ato logo
Search Suggestion:

Ilegal na mga iskema sa super – mag-ingat sa mga alok ng maagang paglalabas ng iyong super

Last updated 18 April 2023

Tungkol sa superannuation

Ang Superannuation, o 'super', ay perang itinatabi sa buong panahon ng iyong pagtatrabaho upang magbigay sa iyo ng kita sa pagreretiro.

Mahalaga ang super dahil kung mas marami kang maiipon, magkakaroon ka ng mas maraming pera sa pagreretiro.

Sasabihin sa iyo ng ilang mga tao na promotor ng mga iskema sa super na maaari ka nilang tulungan sa pag-access mo sa iyong super ngayon para magawa mo ang mga bagay kagaya ng lubos na pagbabayad ng utang sa credit card, pagbili ng bahay, o mag-holiday.

Ilegal ang mga iskemang ito at maaaring magkagasta ka ng mas higit pa sa halaga ng maa-access mong super.

Kung may lalapit sa iyo tungkol sa isang iskemang katulad nito, tawagan kami kaagad sa 13 10 20 para sa payo at para matiyak na protektado ang iyong super.

Kung mas gusto mong makipag-usap sa amin sa isang wikang hindi Ingles, tawagan ang Translating and Interpreting Service (TIS National) sa 13 14 50. Tatawagan kami ng serbisyo na may interpreter upang matulungan ka namin sa iyong katanungan.

Paano pinapatakbo ang ilegal na mga iskema sa super

Karaniwan, ang ilegal na mga iskema sa super ay nagsasangkot ng isang tao na mag-aalok na tutulungan kang um-access sa iyong super nang maaga.

Karaniwan, ang mga promotor ng ilegal na mga iskema sa super ay:

  • nagsasabi na magagamit mo ang iyong super ngayon para sa anumang nais mo – ito ay hindi totoo
  • hihikayatin kang ilipat ang iyong super mula sa kasalukuyan mong super fund tungo sa isang self-managed super fund (SMSF) na kadalasan ay tutulungan ka nilang magbukas nito
  • sasabihin sa iyo kung paano matutugunan ang condition of release (kondisyon sa paglalabas) sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na dokumentasyon.
  • maniningil ng mahal para sa ibibigay nilang mga serbisyo
  • Hihilingan ka ng iyong mga dokumento ng pagkakilanlan na maaari nilang gamitin upang nakawin ang iyong identidad.

Ang ilegal na mga iskema sa super ay kadalasang tinatarget ang mga tao na naghihirap sa pera o hindi nakakaunawa sa mga batas ng super.

Ilegal ang paglalabas ng iyong super mula sa alinmang super fund na hindi tumutugon sa tinatawag na ‘condition of release’, o paghikayat sa ibang tao na gawin ito.

Ang ilegal na mga iskema sa super ay maaaring humantong sa pagnanakaw ng identidad.

Kung sasali ka sa isa sa mga iskemang ito, maaari ka ring maging biktima ng identity theft (pagnanakaw ng identidad). Ito ay kapag ginagamit ng isang tao ang sarili mong mga detalye at nagpapanggap na ikaw siya para gumawa ng panlilinlang o iba pang mga krimen.

Kapag nanakaw ang iyong identidad at ginamit ito sa maling paraan, maaaring tumagal ng mga taon bago ito maayos.

Mga pag-rollover sa isang SMSF

Karamihan sa ilegal na mga iskema sa super ay kakailanganing ilipat mo ang iyong super mula sa kasalukuyan mong super fund tungo sa isang bagong katatatag lang na SMSF. Ito ay tinatawag na ‘rollover’.

Bago ka mag-rollover o maglipat ng iyong super, kontakin mo ang iyong super fund. Mapapayuhan ka nila kung maaari mong ma-access ang iyong super.

Nakikipagtulungan kami sa mga super fund upang patatagin ang mga proseso ng pag-rollover at protektahan ang iyong mga naipon para sa pagreretiro laban sa ilegal na mga iskema.

Kailan mo maaaring legal na maa-access ang iyong super

Karaniwan, maaari mo lamang ma-access ang iyong super kapag narating mo na ang ‘preservation age’ (edad ng preserbasyon) at huminto ka na sa pagtatrabaho.

Sa Australya, sa kasalukuyan, ang preservation age ay 55 taong gulang para sa mga taong ipinanganak bago ang ika-1 ngHulyo 1960. Pagkatapos ito ay unti-unting tumataas. Para sa sinumang ipinanganak makaraan ang ika-30 ngHunyo 1964, ang preservation age ay 60 taong gulang.

May ilang natatanging mga sirkumstansya kung saan maaari mong legal na ma-access nang maaga ang iyong super. Kabilang dito ang partikular na mga kondisyong medikal o kung ikaw ay dumaranas ng pinansyal na paghihirap.

Upang alamin kung ikaw ay marapat um-access nang maaga sa iyong super:

  • kontakin ang iyong super fund
  • Basahin ang higit pa tungkol sa early access (maagang pag-access).

Hindi mo kailangang magbayad kaninuman para sa aplikasyon upang legal mong ma-access nang maaga ang iyong super.

Mga temporary resident

Bilang isang temporary resident (pansamantalang residente), ikaw ay maaaring maging marapat na ibayad sa iyo ang iyong super pag-alis mo sa Australya. Ito ay tinatawag na departing Australia super payment (DASP).

Maaari kang mag-aplay para sa DASP kung ang lahat ng mga sumusunod ay totoo:

  • bumisita ka sa Australya sa ilalim ng isang pansamantalang visa (hindi kasali ang mga visa subclass 405 at 410)
  • wala nang bisa ang iyong visa
  • umalis ka na sa Australya

Ang kabayarang ito ay hindi makukuha ng mga mamamayan o permanenteng residente ng Australya o New Zealand.

Mga multa sa ilegal na pag-access nang maaga sa super

May nakalapat na matinding mga multa sa ilegal na pag-access nang maaga sa iyong super. Hindi ka makakahiling ng pagbabawas (deduction) para sa anumang bayad na kukunin sa iyong super ng isang promotor.

Kung ilegal ang pag-access mo nang maaga sa iyong super:

  • maaaring kailangan mong magbayad ng interes at mga multa sa super na iyong in-access.
  • Kasali ito sa iyong nabubuwisang kita, kahit na ibalik mo sa fund ang super sa kalaunan

Kung ikaw ay nasangkot sa isang iskema, kontakin kami kaagad upang maghain ng kusang pagsisiwalat. Isasaalang-alang namin ang iyong mga sirkumstansya kapag nagpapasya ng karagdagang aksyon.

Mga miyembro at trustee ng mga SMSF

Ang trustee ay isang tao na namamahala ng super fund. Ang kaibahan ng SMSF sa ibang uri ng mga fund ay ang mga miyembro ng isang SMSF ay siya ring mga trustee nito. Ibig sabihin, pinapalakad nila ang SMSF para sa sarili nilang pakinabang.

Kung ikaw ay isang SMSF trustee at nagpahintulot na ilabas ang super nang maaga, ikaw ay:

  • maaaring kapasukan ng mga pang-administratibong multa
  • maaaring maging diskwalipikado.

Kung ikaw ay magiging diskwalipikado, hindi ka makakapagpalakad ng isang SMSF bilang isang trustee at ilalathala sa online ang iyong pangalan.

Maaaring may iba pang mga parusa, depende sa iyong pagkasangkot sa iskema.

Mga promotor

Ang mga tao na humihikayat o nagtataguyod ng ilegal na maagang pag-access sa super ay tinatawag na ‘mga promotor’. Sila ay maaari naming usigin at ng Australian Securities and Investments Commission (ASIC) para sa mga paglabag ng:

  • Superannuation Industry (Supervision) Act 1993
  • Corporations Act 2001
  • Australian Securities and Investments Commission Act 2001.

Maaaring kabilang sa mga paglabag ang pag-aasal na nakakalinlang at pagbibigay ng payo sa pinansyal na produkto nang walang lisensya ng mga pinansyal na serbisyo sa Australya.

Maaaring magpataw ng mga parusang sibil at krminal, kabilang ang malalaking multa at pagkabilanggo.

Sabihan kami tungkol sa ilegal na mga iskema

Kung ikaw ay nilapitan ng isang tao at sinabi sa iyo na maaari mong ma-access nang maaga ang iyong super:

  • Ihinto ang anumang pagkasangkot sa iskema, organisasyon o sa taong lumapit sa iyo.
  • Huwag lalagda sa anumang mga dokumento.
  • Huwag silang bibigyan ng alinman sa iyong sariling mga detalye, kagaya ng iyong Tax File Number (TFN) o mga password.
  • Tawagan kami kaagad sa 13 10 20 at abisuhan kami ng iyong sitwasyon. Kung mas gusto mong makipag-usap sa amin sa isang wikang hindi Ingles, maaari mong tawagan ang Translating and Interpreting Service (TIS National) sa 13 14 50. Tatawagan kami ng serbisyo na may interpreter upang matulungan ka namin sa iyong katanungan.

Karagdagang impormasyon

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa super, bisitahin ang Your superannuation basics (Mga mahahalagang kaalaman tungkol sa iyong superannuation).

Para sa karagdagang impormasyon kung kailan mo maaari o hindi maaaring ma-access nang maaga ang iyong super:

Kung mas gusto mong makipag-usap sa amin sa isang wikang hindi Ingles, maaari mong tawagan ang Translating and Interpreting Service (TIS National) sa 13 14 50. Tatawagan kami ng serbisyo na may interpreter upang matulungan ka namin sa iyong katanungan.

Mayroon kaming impormasyon sa languages other than English (mga wika maliban sa Ingles).

QC72251